100 dating miyembro ng Anakpawis, dumalo sa information caravan ng RTF-ELCAC

By Philippine Information Agency

RIZAL, Cagayan – Hindi bababa sa 100 na dating miyembro ng Anakpawis at iba pang residente ang dumalo sa information caravan sa barangay Mauanan sa Rizal, Cagayan bilang bahagi ng isinagawang programa ng Situational Awareness Knowledge Management (SAKM) ng RTF-ELCAC na itinaon ngayong ika-123 na Araw ng Kalayaan ng ating bansa.


Isinagawa ito matapos muling manumpa ang mga nasabing dating miyembro ng Anakpawis na tatalikuran at ititigil na nila ang pagsuporta sa teroristang grupong CPP-NPA. Sila ay pawang mga residente ng nasabing bayan partikular sa Zinundungan Valley na kinabibilangan ng mga barangay ng Masi, Bural at San Juan.


Sa pamamagitan ng caravan, naibahagi ng mga kinatawan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang kanilang mga programa at serbisyo na maaaring ma-avail ng mga naturang dating taga suporta ng CPP-NPA.


Ipinaalam ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamamagitan ni Josephine Cabrera, Supervising TESD specialist, ang mga libreng pagsasanay na pwedeng pasukan ng mga residente. Ibinahagi rin niya ang mga proyekto ng kanilang ahensiya na matagumpay na natamasa at napagtapusan ng mga dating rebelde sa nakalipas na taon.


Mismong si Lucia Alan, officer-in-charge ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nagpresenta ng mga benepisyo at programa na maaari nilang aplayan. Liban diyan, namahagi rin ang mga kinatawan ng DSWD ng mga family food packs at face masks sa mga dating taga suporta ng CPP-NPA.


Tinalakay naman ni Local Development and Monitoring Enforcement Unit chief Digna Herera ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga importanteng aspeto ng E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program, isang programa ng pamahalaan na naglalayong tulungan ang ating mga kapatid na kasapi ng CPP-NPA-NDF at Militia ng Bayan na nais magbalik-loob sa pamahalaan at pamayanan, upang makapiling muli ang kanilang mga pamilya.


Aniya, sa pamamagitan ng E-CLIP, sila ay mabibigyan ng mga iba’t ibang tulong, kaalaman, at kasanayan na kanilang magagamit sa pagbabagong buhay. Ang tulong na ito ng pamahalaan ay hindi lamang para sa kanila kundi pati na rin sa kanilang pamilya at komunidad.


Ibinahagi naman ni Lt. Col Randy Alagao, deputy chief ng Regional Community Affairs Division ng Police Regional Office No. 2 ang mga isinasagawa ng kapulisan ng mga outreach activity sa pamamagitan ng Lingkod Bayanihan at iba pang aktibidad na ginagawa nila sa mga influenced barangays.


“Malaya na kayo”


Binigyang pugay naman ni 501st Brigade Commander Col. Steve Crespillo ang mga dating miyembro ng Anakpawis sa katapangan at buong-pusong pagtalikod sa maling adbokasiya ng CPP-NPA.


“Tamang tama rin na ngayon ay Independence Day. Panahon na nakalaya na ang Pilipinas sa mga sumakop sa atin. Ngayong araw, nakalaya na rin kayo. Pwede niyo ng gawin ang gusto niyo. Nakalaya kayo sa mga ‘pressure’ ng communist terrorist group,” ani Crespillo.


Dagdag ni Crespillo, dapat bigyang halaga kung gaano ka-importante na matamasa ng bawat isa ang kalayaan.


“Pinakita kanina ng partner agencies ang mga programa nila na pwedeng i-avail. May programa ang gobyerno na para sa inyo. Lapitan niyo lang sila,” dagdag pa ni Crespillo.


Binigyang diin pa ng commander na dapat mapayapa at tahimik ang lugar para mas mabilis ang progreso. “Dadami ang investment at mas mapabilang ang pagdadala ng mga proyekto at programa ng pamahalaan. Tumulong tayo para maayos natin ang buhay natin,” aniya.


“Dapat mawala na ang supporters ng teroristang grupong NPA. Kung sa inyo humihingi ng armas, sa inyo rin kukunin ang mga armado. Kaya nandito kami dahil hangad namin na mapayapa at maaayos na pamumuhay. Magtulong-tulong tayo, pababain natin lahat ng mga miyembro ng rebeldeng grupo. Kung ayaw nilang bumaba, ituro niyo. Kailangan ang mga mamamayan ay makipagtulungan sa mga pulis at army. Huwag kayong matakot na magsumbong dahil nandito kami para proteksiyonan namin kayo,” ayon pa kay Crespillo.


Gobyerno ang lalapit


Ayon naman kay National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Regional Director Dennis Gammad, sa ilalim ng ‘Whole-of-Nation Approach’, gobyerno na ang lumalapit sa mga residente kung ang tao sa barangay lalo na yung mga nakatira sa mga malalayong lugar ay hirap makapunta sa poblacion.


“Pagkatapos nito [tinutukoy ang information caravan], patuloy pa rin kaming mag-monitor sa inyo hindi lamang dito sa Rizal dahil hangad natin na tanggalin na sa mga influenced at threatened barangay ng NPA ang [inyong] bayan,” ani Gammad.


Dagdag pa ng direktor na sa pamamagitan ng pagtiwalag ng mga dating miyembro ng Anakpawis, natamasa na nila ang kanilang kalayaan.


“Kayo ay nabulag sa maling bisyon ng ibang tao [tinutukoy ang CPP-NPA]. Ito po ay hindi propaganda, hindi photo ops. Ito ay patunay na may ginagawa ang ELCAC,” sinabi pa ni Gammad.


Samantala, nagpapasalamat naman si Mayor Brenda Ruma sa mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na walang sawang sumusuporta sa mga kababayan niyang nagsipagbalik-loob sa tunay na pamahalaan.


“Ito ang pagpapatunay na hindi kayo, tayo pinababayaan ng gobyerno. Sa huli, desisyon niyo pa rin kung sasayangin niyo lahat ng mga ito,” dagdag ni Ruma.


Sa kanyang mensahe, muli nitong ibinahagi na sa buong lalawigan ng Cagayan, ang Rizal ang unang bayan na nagpasa ng isang Resolution na nagproproklamang Persona Non Grata ang kabuuan ng CPP-NPA-NDF sa kanilang bayan. Pirmado ito lahat ng mga kapitan ng iba’t ibang barangay sa naturang bayan.


Ang nasabing information caravan ay dinaluhan din ng 17th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Angelo Saguiguit, mga opisyal ng barangay Mauanan, at ng Philippine Information Agency. (MDCT/PIA-2)

8 views

Related Posts

See All
No tags yet.