3 sundalo patay sa engkuwentro sa Eastern Samar

By Ranulfo Docdocan / ABS-CBN News


Tatlong sundalo ang patay matapos makaengkuwentro ang mga hinihinalang rebelde sa Jipapad, Eastern Samar nitong umaga ng Miyerkoles, ayon sa militar.


Ayon sa 8th Infantry Division, papunta sana sa itinatayong patrol base ang mga kasapi ng 52nd Infantry Battalion nang makabakbakan ang mga hinihinalang miyembro ng New People's Army bandang alas-7 ng umaga.


Gumamit umano ng improvised explosive device ang mga rebelde.


Bukod sa mga nasawi, nasugatan din ang 6 na kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na isinugod sa ospital.


Patuloy naman umanong tinutugis ng mga sundalo ang mga nakaengkuwentrong rebelde.


Nauna nang nabigo ang usapang pangkapayapaan sa gitna ng mga rebeldeng komunista at gobyerno sa ilalim ng administrasyong Duterte.

1 view
No tags yet.