top of page

5.2 milyong Pinoy, matutulungan ng BDP sa loob ng 2 taon

By Angie dela Cruz / The Philippine Star


MANILA — Umaabot sa 5.2 milyong Pilipino mula sa malala­yong barangay sa bansa ang matutulungan ng Barangay Development Program (BDP) ng pamahalaan.


Bilang pagtatanggol sa budget ng BDP para sa taong 2022, mariing sinabi ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairman Hermogenes Esperon na naging instrumento na ng pag-unlad ang programang ito ng pamahalaang Duterte para sa maraming Filipino.


Sa 2022, aabot sa 1,404 barangay ang naisama na sa BDP na ang bawat barangay ay bibigyan ng P20-milyong halaga ng mga proyekto matapos na sila ay makalaya mula sa impluwensiya ng CPP-NPA.


Ang budget na ilalaan para sa BDP sa susunod na taon ay aabot sa P28.2 bilyon.


Nilinaw ni Esperon na ang naturang mga barangay ay dumaan sa masusing proseso na tinatawag na Community Support Program, sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines, mula 2020 hanggang unang quarter ng 2021.


Ang mga barangay na ito ay matatagpuan sa mga lalawigan ng Sorsogon, Bukidnon, Davao de Oro, North Cotabato, Agusan del Sur, Davao City, Camarines Sur, Surigao del Sur at iba pa.


Anya, panahon na para pasaganahin ang buhay ng mga Filipino matapos na sila ay kubkubin ng NPA sa loob ng marang dekada.