Esperon: Report sa pondo ng NTF-ELCAC, nakumpleto na
By Angie dela Cruz / The Philippine Star
MANILA, Philippines — Napakinabangan ng maayos ng mga benepisyaryo ang mga programang nailatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa mga lugar na naalis sa kapangyarihan ng mga rebeldeng NPA sa ilalim ng Barangay Development Program ng pamahalaan.
Ayon kay NTF-ELCAC Vice Chairman Hermogenes Esperon Jr, nakumpleto lahat at naisumite ng tanggapan ang ulat kung paano nagamit ang P16.44 bilyong budget ng BDP.
Anya, ang mga listahan ng BDP project at ang progreso ng paggawa nito mula una hanggang ikatlong quarter ng taon ay isinumite sa Senado at Kongreso sa pakikipagtulungan na rin ng DBM at DILG.
Sa Senado, tinapyasan ng committee on finance ang NTF-ELCAC budget ng P24 bilyon dahil diumano nabigo ang ahensiya na magsumite ng ulat hinggil sa proyekto sa mga piling barangay.
Sa ipinakitang datos ni Esperon, umabot sa 2,318 ang proyekto para sa 822 barangays sa 39 probinsiya at ang 2,029 dito ay pang imprastraktura gaya ng farm-to-market roads; water sanitation, health center at school building, samantalang 289 ang livelihood; COVID-related project at tulong sa mahihirap na pamilya.
Para sa 2022, humihingi ang NTF-ELCAC ng P28 bilyon para sa 1,406 barangays na ngayon ay wala na sa impluwensiya ng rebeldeng grupo.
Unang sinabi ni Esperon na ang NTF-ELCAC at BDP ay may layuning pagandahin ang buhay ng mga nasa barangay at wakasan ang insurgency o rebelyon sa bansa.
Comments