top of page

Kieth Absalon at pinsan nito Inilibing na, Prayer Rally Isinagawa sa Masbate

Inilibing na ngayong araw, Hunyo 13, ang football player ng FEU na si Kieth Absalon at pinsan nitong si Nolven na namatay matapos pasabugan at pagbabarilin ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) nitong nakaraang Linggo sa Barangay Anas, Masbate City.


Una rito, bumaha ng luha sa isinagawang prayer rally na kasama ang mga ina nina Kieth at Nolven Absalon sa Social Center ng nasabing lungsod ilang oras bago ang libing.


Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Joint Task Force Bicolandia (JTFB) sa pamumuno ni MGEN HENRY A ROBINSON JR kasama si COL ALDWINE ALMASE, Brigade Commander ng 903rd Infantry Brigade; LTC SIEGFRIED FELIPE AWICHEN, Battalion Commander ng 2nd Infantry Batallion (2IB); mga opisyal at tauhan ng Masbate Police Provincial Office (MPPO) at mga myembro ng Non-Government Organizations (NGOs).


Aabot sa 150 mga indibidwal ang nakilahok sa programa na kinabibilangan ng mga kabataan mula sa iba’t ibang sports organizations, ROTC, fraternities at mga kamag-anak ng naturang atleta.

Sa pamamagitan ng mga bitbit nilang placard at tarpaulin, isinigaw ng mga ito ang hustisya para kay Kieth at sa iba pang mga biktima ng terorismo ng CTG.


Mariin ding ihinayag ng mga ito ang pagkondena at pagtakwil sa CTG na walang habas na pumapaslang ng mga sibilyan at naghahasik ng mga karahasan.


Tampok sa nasabing aktibidad ang pagbibigay ng mensahe ng mapagmahal na ina ni Kieth na si Vilma Absalon na isang Elementary School teacher at ina ni Nolven na si Yolina Absalon na walang ibang hangad kundi ang mapanagot ang mga komunistang terorista sa pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay.


Sinundan ito ng candle lighting at pag-alay ng dasal para sa mga biktima.


Suot ng pamilya Absalon ang puting damit na may nakasulat na “Justice for Kieth and Nolven”.


Nagbigay din ng mensahe sa nasabing aktibidad si MGen Robinson at tiniyak nito ang mahigpit na seguridad sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga Masbateño kasabay ang panawagan sa mga residente na patuloy na makipagtulungan sa mga otoridad at huwag palilinlang sa mga komunistang terorista.


“Huwag po sana kayong matatakot dahil sa pangyayari, bagkus mas ipakita ninyo ang inyong lakas upang labanan ang teroristang gropo upang tuluyan ng matapos ang mga karahasang ginagawa nila sa inyong lugar. Makakaasa po kayo na ang inyong mga sundalo ay mananatili sa aming layunin na wakasan na ang insurhensiyang ito upang makamit na nating lahat ang tunay na kapayapaan," ani MGen Robinson.


Personal ding binisita ni MGen. Robinson ang burol nina Kieth at Nolven upang makiramay sa kanilang pamilya.


Pasado alas-12 ng tanghali nang ihatid sa huling hantungan ang mga labi ng mga biktima.

Nagbigay din ng kanilang mga testimonya ang pamilya at mga kaibigan nito at nagpalipad ng mga puting lobo na may nakasulat na “We Want Justice”.


Samantala, binisita naman ni MGen. Robinson, Col. Almase at iba pang mga miyembro ng JTF Bicolandia si Masbate City Mayor Rowena Tuason para magpasalamat sa suporta nito sa malawakang kampanya ng gobyerno upang wakasan ang mahigit limang dekadang armadong tunggalian.

31 views

Comments


No tags yet.
bottom of page