top of page

Mga residente nagpapasalamat sa 'Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan' ng 5ID

By Mark Djeron C. Tumabao and 5th Infantry Division / Philippine Information Agency

GAMU, Isabela – Nagpapasalamat ang mga residenteng nabenepisyuhan ng programang “Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan” na inilunsad ng 5th Infantry Division, Philippine Army.


Ayon kay Lola Lorita Lazaro, residente ng barangay Burgos ng Naguiliian, Isabela, nagpapasalamat siya nang makakuha ng sapat na mga gulay para sa kanyang ilang araw na pagkonsumo.


Aniya, napakaswerte nila sa kanilang barangay dahil bagamat may kalayuan ang kanilang lugar, nagawa pa rin silang mapuntahan ng kasundaluhan upang makapag abot ng ayuda para sa kanila.


Ang programang "Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan” ay nabuo sa pamamagitan ng boluntaryong ambagan ng bawat sundalo ng 5ID, pakikipagtulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at ilang mga non-government organizations. Sa proyektong ito sa ilalim ng kanilang Command Social Responsibility , nakalikom ng sari-saring mga gulay, bigas, mga pampalasang tulad ng sibuyas, bawang, suka, toyo, seasoning, at maging mantika.


Mayroon ding mga itlog, noodles, delata, kape, asukal, bitamina at mga damit na naipamahagi sa mga residente na kinabibilangan ng mga katutubong Agta sa Barangay Cabisera 10, isa sa mga liblib na lugar ng Ilagan City at sa barangay Burgos.


Para naman sa kapitan ng barangay na si Dominico Lelina, ilan sa kanyang mga kabarangay ang nawalan ng hanapbuhay mula nang magkaroon ng pandemya na naghanap ng temporaryong mapagkakakitaan.


Ibinahagi rin ng kapitan, ang kahirapan ng transportasyon sa kanilang barangay dahil sa mahigpit na pagsunod sa mga inilatag na health protocols kontra COVID-19.


“Hindi po madali ang pagbyahe ng mga gustong pumunta ng bayan upang makapamili ng kanilang pangangailangan dahil sa hirap ng transportasyon. Napakalaking tulong para sa amin ang ipinamahagi ng ating kasundaluhan dito sa aming barangay. Kaya labis po akong nagpapasalamat lalo na kay MGen Mina dahil hindi nila nakalimutan ang aming barangay,” dagdag ng kapitan.


Malaki rin ang naging pasasalamat ni Joefer Areola ng kaparehong barangay dahil sa pagsisikap ng kasundaluhan na marating ang kanilang barangay. Wala rin umano siyang narinig na reklamo mula sa sundalong nagbuhat ng sako-sakong mga gulay, bigas, at ilang mga sangkap panluto hanggang sa makakuha ang mga residente sa Lamesang Bayan.


“Itong mga gulay at bigas ay napakalaking tulong para sa aking pamilya. Hindi po matatawaran ng kahit na anong salita ang pasasalamat ko sa ating kasundaluhan. Maraming, maraming salamat po!” sabi pa ni Areola.


Nakiisa rin sa bayanihan ang sektor ng simbahan sa pamamagitan ng Church of Christ mula sa Roxas, Isabela na mamahagi ng mga bitamina at mga damit.


Tulong sa mga magsasaka at dating rebelde


Hindi lamang mga residente ng nabanggit na mga barangay ang natulungan ng programang "Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan” kundi nakapaghatid din ang nasabing programa ng suporta sa mga magsasaka at dating rebelde.


Ang mga gulay na ipinamahagi ay binili mula sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) at Isabela Agri-Pinoy Trading Center (IAPTC) na binabagsakan ng produkto ng mga magsasaka sa Cordillera at Lambak ng Cagayan.


Ang mga itlog naman ay binili mula sa mga dating rebelde na galing sa kanilang livelihood program mula sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster ng Regional Task Force-End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) ng Rehiyon Dos.


Upang matulungan naman ang mga negosyanteng nagsisimula pa lamang sa kanilang negosyo, sa kanila naman bumili ng mga ipinamahaging noodles, mga delata at iba pang kailangan sa pagluluto.


Bago pa man ang pamamahagi ng tulong sa mga nabanggit na lugar, nabahagian na ng tulong mula sa Lamesang Bayan ng 5ID ang mga Former Rebels at kanilang mga pamilya na sa kasalukuyan ay nasa Happy Farm Ville, Upi, Gamu, Isabela.


Samantala, nakiisa rin ang kasundaluhan ng 503rd Infantry Brigade sa itinayong Lamesang Bayan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng bawat residente sa Tabuk City, Kalinga. Nakipagbayanihan din ang kasundaluhan ng 54th Infantry Battalion sa inilunsad na Lamesang Bayan sa bayan ng Lagawe, Ifugao. Nabuo ang nabanggit na proyekto nang magbahagi ang mga residente ng kanilang tulong para sa mga nangangailangan.


Malasakit ng Philippine Army


“Nawa’y bumalik din sa inyo ang tulong na inyong ipinamahagi sa amin. Hindi po namin lubos akalain na sa kabila ng kalayuan ng aming lugar ay narating pa ito maabutan kami ng tulong,” mensahe ni Lean Bielgo, barangay secretary ng San Antonio, City of Ilagan.


Aniya, ipinagdadasal niya ang proteksyon ng bawat kasundaluhan sa pagganap ng kanilang tungkulin upang mas marami pa ang maabot ng tulong na ipinagkakaloob sa mga mamamayan.


Nagpasalamat naman si MGen Laurence E Mina, commander ng 5ID sa bayanihan ng bawat sundalo na boluntaryong nagbigay ng bahagi ng kanilang sahod upang mabigyan ng tulong ang mga pamilya na lubos na naapektuhan ng pandemya sa pamamagitan ng proyektong “Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan” ng 5ID.


Ipinaabot din niya ang kanyang pasasalamat sa mga ahensya ng pamahalaan at non-government organizations na nagtiwala sa 5ID upang maihatid sa mga mamamayan ang kanilang ipinagkaloob na tulong.


“Ang proyektong “Kabsat Ko, Ipateg Ko- Lamesang Bayan” ng 5ID na ating inilunsad ay naglalayong makapag-ambag sa hapag-kainan ng ating mga kababayang higit na naapektuhan ng pandemya at mas nangangailangan ng tulong. Ito ay nagpapakita ng pagdadamayan, pagtutulungan, pagmamalasakit at bayanihan ng mga Pilipino," dagdag ni Mgen. Mina.


"Sa ating mga kababayan, sama-sama nating labanan ang pandemya sa pamamagitan ng pagkakaisa. Kung makikipagtulungan ang bawat isa sa atin, mas magiging matibay tayo hanggang sa matalo natin ang mga hamong dulot ng pandemyang ito,” sinabi pa ng commander. (MDCT/PIA-2)

6 views

Comments


No tags yet.
bottom of page