P5.4 billion ng CPP-NPA-NDF bistado ng NICA
By Doris Franche / The Philippine Star
MANILA — Ibinunyag ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na P5.4 bilyon umano ang nakolekta ng CPP-NPA-NDF mula 2016 hanggang 2018 para gastusin sa umano’y paghahasik ng terorismo sa bansa at pasaganain ang pamumuhay ng kanilang mga lider.
Sa virtual balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sinabi ni NICA Director General Alex Paul Monteagudo na malaking bulto ng pondo ay nanggaling sa mga donasyon ng mga banyagang organisasyon gamit ang mga usapin sa karapatang pangtao at umano’y pang-aabuso sa mga Indigenous Peoples (IPs) o mga katutubo. Aniya, malambot ang puso ng mga foreign donors.
Ang ibang pondo ay nanggaling naman sa kinokolektang Rebolusyunaryong Buwis Ukol sa Kaaway na Uri (RBUKU) o rebolusyunaryong buwis sa mga negosyanteng nasa malayo at liblib na lugar.
Ngunit ayon kay Monteagudo, hindi na magamit ng CPP-NPA-NDF ang ganitong modus dahil mulat na ang mga Filipino sa kanilang mga panloloko.
Bukod sa terorismo, ang pondo ay ang ginagamit ng mga lider ng komunistang-terorista sa kanilang marangyang pamumuhay gaya ng inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA na tulad umano ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na nagagawa umano nitong pag-aralin ang kanyang anak sa bansang Poland gamit ang nakolektang pondo.
Ayon pa kay Monteagudo, inamin din ng isang Jorge “Ka Oris” Madlos na namumuno sa NPA National Operational Command (NOC) na hindi nila pwedeng itigil ang pangingikil dahil ito ang kanilang ikinabubuhay.
Comments