Pahayag ng NTF ELCAC Sa Pagtapyas Ng Budget Ng Bicameral Committee
Ikinalulungkot ng NTF ELCAC ang walang pusong pag-tapyas ng Bicameral Committee ng budget ng Task Force na sana ay magbibigay serbisyo sa 1,406 na pinakamahihirap
na mga cleared barangay sa buong Pilipinas.
Imbes na sana ay buhusan ng pondo at subukang punuan ang kakulangan na nagdulot ng malaking kapahamakan sa kanila- dekada na ang nagdaan- walang awa at walang kahihiyang tinapyasan at tinawaran ng mga pinakamakapangyarihan at pinakamayayaman sa atin ang mga walang-wala sa atin.
Imbes na dinggin nila ang pagsusumamo ng mga local chief executives na iisa ang ang mensahe na huwag tapyasan ang pondo na ito na magbibigay ng farm-to-market roads, health centers, eskwelahan, nagbingi-bingihan ang Bicameral Committee na halos kalahati ang tinanggal sa budget ng NTF ELCAC.
Ikinibit-balikat nila ang paghingi sa kanila ng ating Pangulo na ibalik sa 28 billion ang natapyasang pondo.
Maliwanag lamang na ipinakita ng mga ito na hindi sila tutoong lingkod-bayan at nakalimutan na nila na hindi nila pera ang pondo na yon kundi pera ng Bayan at ang serbisyo na ipinagkakait nila ay hindi tulong kundi OBLIGASYON ng gobyerno sa ating mamamayan- lalong lalo na ang hindi pa nakaranas ng kalinga ng gobyerno matagal na panahon na ang nagdaan.
Nangyari ang 52 years na salot na ito dahil hindi nagsilbi ng maayos ang gobyerno. Hindi problema-militar ito kundi problema na dulot ng maling pamamahala na inaayos na sana ng NTF ELCAC sa pamamagitan ng Barangay Development Program.
Sa pagtapyas ng budget ng Bicam, iisa lang ang sumaya at nanalo dito at ito ang mga berdugong nagdulot ng hirap at pighati sa nagdaang 52 years: ang komunistang teroristang CPP NPA NDF.
Dapat magpasalamat ang mga berdugong ito sa mga Senador at Kongresistang nagbigay sa kanila ng panibagong lakas habang nagbigay ng malaking lungkot at pangamba sa pinakamahihirap sa atin.
Tumagal ang salot na ito ng ganito katagal hindi lamang dahil sa CPP NPA NDF kundi dahil sa mga politiko na nakikuntsyaba sa kanila.
Maliwanag na ipinakita ng mga huwad na lingkod bayan na hindi pwedeng ipagkatiwala sa kanila ang Bayan natin.
Nabigyan na tayo ng direksyon ng ating Pangulo: palitan na natin ang mga yan sa darating na halalan.
Napapanahon nang maturuan ng leksyon ang mga aroganteng nakalimot na ang kapangyarihang hawak nila ay galing sa taongbayan na taongbayan din ang syang babawi.
Para sa NTF ELCAC, tuloy ang laban para sa ating mahal na Bayan at kami ay nagpapasalamat sa inyo na mga kababayan namin dahil ramdam namin na kasama na namin kayo sa laban na ito.
Undersecretary Lorraine Marie T. Badoy
Tagapagsalita ng NTF ELCAC, Sectoral Concerns
Comments