top of page

MENSAHE PARA SA IKA-125 ANIBERSARYO NG KASARINLAN NG PILIPINAS



JG June 12, 2023



(Philippines Independence Day 2023)

Bilang Executive Director ng National Secretariat, NTF- ELCAC, nais kong magpadala ng aking pinakamainit na pagbati sa lahat ng mga Pilipino sa pagdiriwang ng ika-125 taong Araw ng Kalayaan. Ngayon, ipinagdiriwang natin ang tapang at sakripisyo ng ating mga ninuno na lumaban para sa ating kalayaan at soberanya.

Sa paggunita natin sa makasaysayang okasyong ito, alalahanin din natin ang mga hamon na kinaharap at nalampasan ng ating bansa. Kung ating sasariwain ang kasaysayan, matapos ang mahabang pakikibaka para sa kalayaan, pumirma si Heneral Emilio Aguinaldo at 98 pang opisyal ng Pilipinas sa 21-pahinang Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino sa Cavite at ilan sandali pagkatapos, ang bandila ng Pilipinas ay unang ibinuka at itinaas sa kasaysayan. Ngayon ay natagpuan natin ang ating sarili, nakararaos sa mga sakuna, mga krisis sa ekonomiya, at mga kaguluhan, ngunit lumabas tayong mas matatag at mas matibay higit kailanman.

Gayunpaman, hindi pa tapos ang ating gawain. Patuloy pa rin tayong nakaharap sa maraming hamon upang makamit ang ating pangarap na magkaroon ng isang mapayapa at maunlad na bansa. Ang teroristang CPP-NPA-NDF ay ang kalawang na sumisira sa ating bansa sa loob ng limang dekada at patuloy na nagbabanta sa ating progreso at kaunlaran.

Kailangan nating patuloy na magtulungan tungo sa isang mas maginhawang kinabukasan para sa lahat ng mga Pilipino. Magkaisa tayo dahil abot kamay na natin ang tagumpay tungo sa pagkakaroon ng mas inklusibo at pantay na lipunan, kung saan ang gobyerno ay nararamdaman at naaasahan. Gayundin, ang bawat mamamayan ay naaabutan ng mga pangunahing serbisyo, edukasyon, at oportunidad para sa pag-unlad.

Sa araw na ito ng Kalayaan, magpasya tayong muli para sa ating bansa at sa ating mga kababayan. Parangalan natin ang sakripisyo ng ating mga bayani sa pamamagitan ng pagtitiyak sa mga halaga ng kalayaan, demokrasya, at katarungan. Sa sama-sama nating pagsisikap, kayang-kaya nating mawakasan ang insurhensiya katuwang ang iba’t-ibang ahensya at mga lokal na pamahalaan tungo sa mas maganda at maliwanag na kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Mabuhay ang lahing Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas!

USEC ERNESTO C TORRES JR

Pagdiriwang ng Ika-125 Taong Araw ng Kalayaan

June 12, 2023

Commenti


No tags yet.
bottom of page