top of page

On the Spirit of Bayanihan

Napakaganda ng puso ng Pilipino.

Ito na yata ang pinakamalaki nating ambag sa mundo: na kung saan mang sulok may Pilipino, may titirhan ka, may sopas na nag-aantay sa iyo sa hapag-kainan at may kaibigan at kadamay ka.

At isa na yata sa hinding-hinding mangyayari sa iyo ay ang magutom sa presensya ng isang Pilipino.

Hindi katulad ng mga banyagang nakalimot na kung ano ang tunay na pakikipagkapwa-tao, buhay na buhay ang diwa ng BAYANIHAN sa Bansang Pilipinas.

Kung kaya’t kami sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ay natutuwa sa pag-usbong ng pakikibahagian ng pagkain sa nangangailangan na noon pa man ay nangyayari na sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas—at nangyari lahat ng kabutihang asal na yan na walang media coverage at walang pa-press con.

Katulad ng “Kapwa Ko, Sagot Ko” na nakatulong ng 2.7 million nating kababayan sa pagpapakain at pagtuturo ng pagtanim para makamit ang sustainability sa pandemya na ito.


Ito ang ating kaugalian; ito ang ating kultura. Ito ay nararapat gawin ng buong Sambayanang Pilipino—katuwang at tumutulong sa ating Pamahalaan.

Inaasahan namin na itutuloy-tuloy natin ito at nakikita namin na madali itong ipalaganap sa buong bansa dahil sa likas ng pagkamatulungin ng Pilipino.

Kung kaya’t kami ay umaapela sa CPP NPA NDF na tigilan na ang panloloko sa ating mga kababayan.

Tigilan na ang modus operandi nyo na nakadikit sa framework at doktrina ng CPP NPA NDF nang pag-package ng communist propaganda bilang serbisyo sa taongbayan at ang pagdugtong dito ng kasinungalingan na walang ginagawa at inutil ang gobyerno.


At tigilan nyo na rin ang paggamit ng ‘redtagging’ na matagal nang nadesisyunan ng ating mga hukom—kasama ang pinakamataas nating Hukom—na walang kapahamakan sa buhay, kalayaan at seguridad ng isang tao pag sya ay na-identify na myembro ng CPP NPA NDF.

Ang ‘redtagging’ ay gawa-gawa lamang ng CPP NPA NDF para makamit ang bulok nilang ayenda nang pagpapahina sa gobyerno at kasama dito ang paghingi ng donasyon dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Kung pagbigay ng pagkain lang ang tunay na pakay nyo, bakit may kailangang pang dugtong na patalsikin ang isang Pangulong nahalal ng marapat at matuwid at ayon sa ating Saligang Batas na suportado at pinagkakatiwalaan ng nakararami sa atin?

Isang Pangulong buong pusong naglilingkod sa Pilipino at walang tigil at walang kapaguran ang paninilbihan sa atin.


Kahit minsan, tigilan nyo ang paggamit sa mabubuting puso ng Pilipino para lokohin at ilagay sa kapahamakan.


Hindi kailangan humingi ng cash na donasyon—lalo dollars. Sapat na ang pagbigay na kung ano ang kaya nating ibigay.

Kayo na mismo ang gumagamit ng pilosopiya ng Ama ng Komunismo na si Karl Marx: “Magbigay batay sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.”


Ang tutoong diwa ng BAYANIHAN ay ang pagkakapit-bisig ng mga mamamayan sa ating pamahalaan na gawa ng mga lingkod bayan na wala na yatang pahinga mula nung nagsimula ang pandemya na ito.

Buong-buo ang suporta ng NTF ELCAC sa ano mang adhikain na makapagtuturo ng mabuting pamayanan sa ating mga kababayan dahil ang tutoong pwersa at lakas ng isang bansa ay ang mga mamamayan nito.

Magkapit-bisig tayo, mga kababayan. Malalampasan din natin ito. Nandirito ang inyong pamahalaan na pinamumunuan ng isang Pangulong buo ang katapatan at pagmamahal sa bayang pinaglilingkuran nya.


Undersecretary Lorraine Badoy

NTF ELCAC Spokesperson

96 views
No tags yet.
bottom of page